Nang Minsan Kitang Maging Silong (Spoken Word Poetry)
ฝัง
- เผยแพร่เมื่อ 11 ก.ย. 2024
- #NangMinsanKitangMagingSilong #BeverlyCumlaSpokenWord
Nang Minsan Kitang Maging Silong
Ayokong nakakarinig ng kulog
Sapagkat parang nagagalit ang mundo
Parang sinisigawan ang mga taong wala namang kasalanan
Ngunit wala rin namang kakayahan na takasan ang ingay nito
Dahil kahit anong takip ng ating mga palad sa ating mga pandinig
Ay patuloy pa rin nating silang naririnig
Ayokong nabubuhusan ng ulan
Sapagkat kahit ayaw mong lumuha
Ay wala kang maggagawa
Makikita ng iba na basa na ang 'yong mga mata
Kahit wala naman talaga ay ipagpipilitan nila
Dahil habang paulit-ulit mo itong pinupunasan ay mas lalo ka nilang pinaghihinalaan
Ayokong naglalakbay sa baha
Sapagkat parang nakakaramdam ako ng pagkalunod
Kahit hindi naman umabot sa aking mga tuhod
Ay nangingibabaw parin ang takot na baka malalim na parte na ang sunod
Na matakapan at dito ay hindi na makaahon
Na lumubog hanggang sa 'di na makabangon
Takot ako dating lumabas sapagkat wala akong lakas
Na harapin ang bawat bukas kung lagi't-laging umiiyak ang taas
Parang laging wakas ang laging binabakas
Kahit wala namang dahas ay parang puro ako gasgas
Sapagkat ganito ang pakiramdam kapag galit ang kalangitan
Hindi ko alam kung bakit mangingibabaw ang kahinaan
Kahit hindi naman talaga, pinaparasuhan
Ay parang nananadya nalang ang kulog, baha at ulan.
Kaya sinubukan kong tapangan
At baka dito ay hindi na nila ko pag-initan
Sinugalan ko ang bagay na ayaw kong subukan
Para matauhan ang pusong kailangan nang lumaban
At sa aking pagsugod ay nakaramdam ako ng kalayaan
Ang saya rin palang makipaglaro sa mga patak ng ulan
Ang mga kulog ay parang napakasarap nang pakinggan
Ang mga baha ay parang naging isang palaruan
Ngunit habang tumatagal ay nakaramdam ako ng lamig
Nakaramdam ako ng kulang
Na ang tuwa ay parang panandalian na lamang
Muli kong pinagmasdan ang kapaligiran
Ako lang pala mag-isa ang humahabol sa bawat buhos ng ulan
Hanggang sa 'di na kaya,
Sinubukan ko silang takasan
Ngunit wala akong mapuntahan
Kaya humiling nalang sa buwan
Na sana ay kausapin ang langit na dahan-dahan nang tumahan
Bumalik ang kaduwagan hanggang sa bigla mo 'kong pinayungan
Matagal mo na pala 'kong pinagmamasdan
At ngayon ka lang naglakas loob na ako ay lapitan
Sinabi mo, na nakita mo 'kong mag-isa
At ginusto mo 'kong iligtas sa lamig ng pag-iisa
Nilakbay nating dalawa ang kalsadang may baha
at parang hindi na'ko nakakaramdam ng takot
Sapagkat kinakapitan kita
Hindi ko inaayawan maging ang pag-ulan
Sapagkat ligtas ako sa silong ng iyong paghagkan
Kaya ko nang tiisin ang kulog
Kahit may kaunting galit na tunog
Sapagkat hindi na nagigising sa ingay
Ang puso kong para mong pinatulog
Pinakalma mo ang magulo kong mundo
At dahil sa'yo ay naging matapang ako humarap sa delubyo.
Pero 'di ko naman alam
Na may plano ka rin palang mamaalam
Sana sinabi mo nalang para 'di na manghinayang
Pinasilong mo lang pala 'ko dahil nakita mong malakas ang bagyo
Naghintay na humupa ang baha at ang kulog ay huminto
Ngunit pagkatapos pala nito ay babalik ka na sa tahanan mo.
Hindi lang pala ako ang pinayungan mo,
Bakit ba 'ko umasa na mananatili ang isang taong gusto lang naman iligtas ako
Ako nalang sana, ako nalang dapat ang nagligtas sa sarili ko.
Minsan kong inayawan ang ulan, kulog at baha
pero sa pagkakataong iyon ay ginusto kong muli silang makita
Para kahit lumuha ay hindi ito mahalata
Para kahit magalit ay hindi niya ito madinig
Para kahit tumakbo ay hindi niya maramdaman
Sapagkat ang ayoko na ngayon
Ay ang muli niyang balikan.
Kaya sa susunod na pagsugod ko sa ulan
Sisiguraduhin 'ko na may sarili na'kong masisilungan.
--
For more updates, follow me on my social media sites listed below:
FACEBOOK PAGE: / bcumla
TWITTER: / beverly_cumla
INSTAGRAM: @beverlycumla
FOLLOW OUR FAMILY AND BE PART OF THE BEVIES!
/ @officialbevies
For business purposes, email me at:
beverly.cumla@gmail.com -
-
#BeverlyCumla #SpokenWord #Poetry #HugotTalk