Abakada ng Tunay na pag-ibig by Brian vee Bago ang lahat gusto kong malaman mo na ang tulang ito ay para sayo Ang bawat letra na bumubuo sa mga salitang pinili ko At ang mga puwang sa pagitan ng mga ito Na kapag pinagsama-sama mo'y katumbas ng malaking puwang Na gusto kong tanggalin mula sa puso mo. Bago ang lahat Nakikiusap ako sayo: makinig ka sana. Para sayo ‘to. Mahal kita. Bago ang lahat ng nilikha Bago ang una mong hininga Bago mo pa nasambit ang una mong salita Hindi pa naiimbento noon ang salitang “mahal” Pero noon pa man… Minahal na kita. Bago mo pa naibalik ang mga sulyap na ninakaw Bago mo pa natutunang humiling sa mga bulalakaw Bago pa naging kayo Bago pa niya sinungkit ang mga bituin para sayo Nandun na ako, isa-isang pinupwesto at nililikha ang mga ito. Bago mo pa natutunang tumingala sa alindog ng alapaap At bago ka pa pumiglas at kumawala sa hinandog kong mga yakap Minahal na kita. Bago mo pa ako nakilala, minahal na kita. Bago mo pa ako hinanap, minahal na kita. Bago mo pa ako pinagpalit sa mundo, minahal na kita. Araw-araw parin akong tumatawag sayo Pero madalas, ang alingawngaw ng katahimikan lang ng hindi mo pagpansin ang nakakausap ko. Pero hindi ako susuko Kaya ngayon, kumakatok ulit ako sa puso mo Bitbit ang mga liham at libro na sinulat ko para sayo Basa pa ang tinta ng ilan sa mga ito dahil.. Oo, hanggang ngayon. mahal na mahal parin kita. Hindi ko alam kung naaalala mo pa ‘to. Pero tinago ko ‘to kasi alam ko hindi mo ‘to maintindihan noong unang pagkakataong binasa ko sayo 'to. Tinago ko to kasi, alam kong darating ang panahong 'to. At umaasa akong sa aking muling pagsambit ng mga piraso ng langit na inilimbag ko Sa bawat pahina ng munting librong ito… maunawaan mo… “Ang ABaKaDa ng Tunay na Pag-ibig” A- alagaan kita Isa kang bulaklak na hindi ko hahayaang malanta Ang mga talulot mo ang pinakamaganda Walang halong bola at hindi ko kakailanganing magsinungaling kasi mananatili ka talagang maganda dahil asahan mo, aalagaan kita. BA - bahagian kita ng buhay mula sa sarili kong hininga Dahil ang pag-ibig ay hindi makasarili Kahit dugo ko ang ipambili Handa akong ialay ang aking buhay makasama ka lang sa huli KA - kabisaduhin kita na parang isang romantikong tula ang bawat berso at linya na bumubuo sa kunsino ka Ay walang sawang uulit ulitin Hanggang sa mabali ang sumpa Hanggang sa ang pagmamahal ko at ang pagkukulang mo ay magtugma Ikaw ang paborito kong tula DA - damayan kita sa bawat pagtawa, at pagtangis sa bawat pagpunas mo ng pawis Naaalala ko pa yung unang beses na nasaktan ka dahil sa pag-ibig Naaalala ko oa kung paano ka nahulog Kung ilang beses ka hinele ng “let me be the one” ni jimmy bondoc bago ka matulog. Noong mga panahong ang pinakamalaking problema mo na sa love life ay ang hindi mo sya makasama pagkatapos ng klase dahil cleaners ka. Nandun ako, kasama mo habang naglilinis ka. Pinupunasan ng basang basahan ang blackboard ng puso mo na tila ibang Abakada ang natutunan. E - engganyuhin ka ng mundo (na aralin at tanggapin) na ang pag-ibig ay isang emosyon isang dapog na kung saan ang panggatong ay nakukuha lamang sa mga tingin, sa mga haplos, at sa mga salita ng taong ginawa mong diyos Marami nang nasaktan at napaso sa mapandayang silakbo ng damdamin Hindi ka man umamin, alam kong isa ka sakanila Kaya naman nangako akong GA - gamutin kita kapag duguan ka na’t nakahandusay at pakiramdam mo'y wala ka nang lakas para mabuhay HA - hanapin kita dahil I - iwan ka ng mundo Pero ang tunay na pag-ibig ay mananatili Katwiran nila: ang mga kontinente nga naghihiwalay, tayo pa kaya? Pero hindi nila naiintindihan na sa konteksto ng pag-ibig hindi ka kontinente, ikaw ang mundo ko at habang mayroong kalawakan patuloy kang umiikot sa araw ko LA - laban ako kahit na tila mas marami ang dilim sa pagitan ng mga tuldok tuldok na liwanag sa langit MA - mahalin kita kahit na ang ibig sabihin noon ay ang pagsalo ng lahat ng inani mong pasakit NA - nakawin ko lahat ng kirot sa puso mo NG sugat sa isip mo Oo, alam ko maraming beses kang nagkamali, pero PA - pakinggan parin kita Papatawarin at papalayain ka Dahil ganito ang tunay na pag-ibig RA - ragasa ang dugo mula sa sugatan kong katawan pero sa oras na kakailanganin mo ng tagapagligtas SA - saluhin kita gamit ang mga kamay na ikaw mismo ang nagpako, pangako TA - tanggapin kita at ang buo mong pagkatao, U - unawain ka kahit ilang beses ka paring nagpapatalo pero sana, unawain mo rin ako dahil hindi ko maipapangako na sa piling ko'y puro lamang pagsuyo at pagsinta dahil sa totoo lang, may mga araw na WA - wasakin kita Pupungusan hanggang sa sukuan ka ng sarili mong damdamin hanggang sa ang nadurog mong puso ay maaari ko nang salain Maniwala ka, mas mahirap to para sakin pero dahil mahal kita kailangan kitang subukin Huwag kang mangamba. dahil sa gitna ng lahat ng durog na bato at mga pader na tumumba yayakapin kita. YA - yakapin kita, ng sobrang higpit hanggang sa ang mga piraso ng puso mo'y muling magdikit yayakapin kita hanggang sa ang tibok ng puso mo at ang tibok ng puso ko ay magtugma ikaw, ang paborito kong tula.
Abakada ng Tunay na pag-ibig by Brian vee
Bago ang lahat
gusto kong malaman mo na ang tulang ito ay para sayo
Ang bawat letra na bumubuo sa mga salitang pinili ko
At ang mga puwang sa pagitan ng mga ito
Na kapag pinagsama-sama mo'y katumbas ng malaking puwang
Na gusto kong tanggalin mula sa puso mo.
Bago ang lahat
Nakikiusap ako sayo: makinig ka sana.
Para sayo ‘to.
Mahal kita.
Bago ang lahat ng nilikha
Bago ang una mong hininga
Bago mo pa nasambit ang una mong salita
Hindi pa naiimbento noon ang salitang “mahal”
Pero noon pa man…
Minahal na kita.
Bago mo pa naibalik ang mga sulyap na ninakaw
Bago mo pa natutunang humiling sa mga bulalakaw
Bago pa naging kayo
Bago pa niya sinungkit ang mga bituin para sayo
Nandun na ako, isa-isang pinupwesto at nililikha ang mga ito.
Bago mo pa natutunang tumingala sa alindog ng alapaap
At bago ka pa pumiglas at kumawala sa hinandog kong mga yakap
Minahal na kita.
Bago mo pa ako nakilala, minahal na kita.
Bago mo pa ako hinanap, minahal na kita.
Bago mo pa ako pinagpalit sa mundo, minahal na kita.
Araw-araw parin akong tumatawag sayo
Pero madalas, ang alingawngaw ng katahimikan lang ng hindi mo pagpansin ang nakakausap ko.
Pero hindi ako susuko
Kaya ngayon, kumakatok ulit ako sa puso mo
Bitbit ang mga liham at libro na sinulat ko para sayo
Basa pa ang tinta ng ilan sa mga ito
dahil.. Oo, hanggang ngayon.
mahal na mahal parin kita.
Hindi ko alam kung naaalala mo pa ‘to.
Pero tinago ko ‘to kasi alam ko hindi mo ‘to maintindihan
noong unang pagkakataong binasa ko sayo 'to.
Tinago ko to kasi, alam kong darating ang panahong 'to.
At umaasa akong sa aking muling pagsambit
ng mga piraso ng langit na inilimbag ko
Sa bawat pahina ng munting librong ito…
maunawaan mo…
“Ang ABaKaDa ng Tunay na Pag-ibig”
A- alagaan kita
Isa kang bulaklak na hindi ko hahayaang malanta
Ang mga talulot mo ang pinakamaganda
Walang halong bola
at hindi ko kakailanganing magsinungaling
kasi mananatili ka talagang maganda
dahil asahan mo, aalagaan kita.
BA - bahagian kita ng buhay mula sa sarili kong hininga
Dahil ang pag-ibig ay hindi makasarili
Kahit dugo ko ang ipambili
Handa akong ialay ang aking buhay
makasama ka lang sa huli
KA - kabisaduhin kita na parang isang romantikong tula
ang bawat berso at linya na bumubuo sa kunsino ka
Ay walang sawang uulit ulitin
Hanggang sa mabali ang sumpa
Hanggang sa ang pagmamahal ko at ang pagkukulang mo ay magtugma
Ikaw ang paborito kong tula
DA - damayan kita
sa bawat pagtawa, at pagtangis
sa bawat pagpunas mo ng pawis
Naaalala ko pa yung unang beses na nasaktan ka dahil sa pag-ibig Naaalala ko oa kung paano ka nahulog
Kung ilang beses ka hinele ng “let me be the one” ni jimmy bondoc bago ka matulog.
Noong mga panahong ang pinakamalaking problema mo na sa love life ay ang hindi mo sya makasama pagkatapos ng klase dahil cleaners ka.
Nandun ako, kasama mo habang naglilinis ka.
Pinupunasan ng basang basahan ang blackboard ng puso mo na tila ibang Abakada ang natutunan.
E - engganyuhin ka ng mundo
(na aralin at tanggapin) na ang pag-ibig ay isang emosyon
isang dapog na kung saan ang panggatong ay
nakukuha lamang sa mga tingin, sa mga haplos,
at sa mga salita ng taong ginawa mong diyos
Marami nang nasaktan at napaso sa mapandayang silakbo ng damdamin
Hindi ka man umamin, alam kong isa ka sakanila
Kaya naman nangako akong
GA - gamutin kita
kapag duguan ka na’t nakahandusay
at pakiramdam mo'y wala ka nang lakas para mabuhay
HA - hanapin kita
dahil
I - iwan ka ng mundo
Pero ang tunay na pag-ibig ay mananatili
Katwiran nila: ang mga kontinente nga naghihiwalay, tayo pa kaya?
Pero hindi nila naiintindihan na sa konteksto ng pag-ibig
hindi ka kontinente, ikaw ang mundo ko
at habang mayroong kalawakan patuloy kang umiikot sa araw ko
LA - laban ako
kahit na tila mas marami ang dilim sa pagitan ng mga tuldok tuldok na liwanag sa langit
MA - mahalin kita
kahit na ang ibig sabihin noon ay ang pagsalo ng lahat ng inani mong pasakit
NA - nakawin ko
lahat ng kirot sa puso mo
NG sugat sa isip mo
Oo, alam ko maraming beses kang nagkamali, pero
PA - pakinggan parin kita
Papatawarin at papalayain ka
Dahil ganito ang tunay na pag-ibig
RA - ragasa ang dugo mula sa sugatan kong katawan
pero sa oras na kakailanganin mo ng tagapagligtas
SA - saluhin kita
gamit ang mga kamay na ikaw mismo ang nagpako, pangako
TA - tanggapin kita at ang buo mong pagkatao,
U - unawain ka kahit ilang beses ka paring nagpapatalo
pero sana, unawain mo rin ako
dahil hindi ko maipapangako
na sa piling ko'y puro lamang pagsuyo at pagsinta
dahil sa totoo lang, may mga araw na
WA - wasakin kita
Pupungusan hanggang sa sukuan ka ng sarili mong damdamin
hanggang sa ang nadurog mong puso ay maaari ko nang salain
Maniwala ka, mas mahirap to para sakin
pero dahil mahal kita kailangan kitang subukin
Huwag kang mangamba.
dahil sa gitna ng lahat ng durog na bato at mga pader na tumumba yayakapin kita.
YA - yakapin kita, ng sobrang higpit
hanggang sa ang mga piraso ng puso mo'y muling magdikit
yayakapin kita
hanggang sa ang tibok ng puso mo at ang tibok ng puso ko ay magtugma
ikaw, ang paborito kong tula.
❤
Waw